Maral


Namimitig sa pagkakatayo ang baston ng baron.

Hindi pa nagagapas ang tubó. Kumawala na sa hawla

Ng hinahon ang mabangis na silahis ng tanghaling-tapat.

Nagsasanib-pulso na ang sigaw ng batingaw
at ng kaniyang paghingal.

May mensahe ang sakada. Nahúli na raw ang mga ipinatutugis.

Kinain na ng dilim ang kaninang naghahasik-indaang silahis.

Nakikipagtunggali ang pintig ng kaniyang kásing-kásing

Sa panggabing batingting ng kampana. Naglakbay

Ang baston nang higit sa sampung metro;
Tumapak

Sa mabatong landas na itinuro ng mga dapa-dapa

Ng sakada. Naroroon sila — dalawang mala-leopardong

Pusang nagbihis ng maamong mukha upang ilihim

Ang bangis— pinapapak ang hiwa na mapagkakamalang

Sangkuwartong karne kung hindi mapapansin sa tabi nila

Ang mga pugot na dagâng maihahalintulad sa gulay

Na laging natitira sa plato ng unico hijo ng baron.

Isinako ng sakada ang tigulang— pang-sumsuman 

Habang ang bibig ng musmos ay tinalian ng kapirasong

Tela saka ito isinilid sa kulungang buong araw na naghintay.

May bagong alaga na naman ang pihikang anak-mayaman.

 

Ganito taon-taon, kapag nagsimula nang gumapas

Ng tubó ang mga maralitang sakada ng karatig-kampo.

Share Your Thoughts 😇