Mga Himig ng Makabagong Pilipino: Naaayon Pa Ba Sa Tono?


27-ito-ang-nagpapaalala-na-sa-isang-himig-natin-nagkakaisa-tayo-bilang-isang-bansa Halos lahat kung hindi man lahat ng Pilipino ay may inaangking husay sa musika, lalong-lalo na sa pag-awit. Sabi nga ng iba, hindi dahil tayo’y natuto. Likas ito sa atin. Ayon nga sa isang mito, sa pamumudmod ng mga regalo ni Bathala habang hinuhubog niya ang mundo, may kung anong enerhiyang kasinlakas niya ang yumakap sa kanya at bigla niyang naitapon ang higit sa kalahati ng laman ng buslo ng mga nota (do-re-mi-fa-so-la-ti) sa kapuluan ni San Lorenzo Ruiz. Isasalba pa sana niya ang mga ito sapagkat may mga bansa pa siyang kailanganang alayan subalit nahuli siya. Imbes na manghinayang, lubhang nagalak si Bathala. Nahiwagaan siya sa kanyang nasaksihan. Ang lahat ng kanyang nilikhang namumugad sa naturang kapuluan ay umawit ng isang pagkatamis-tamis na himig na kahit ang mga kerubin ay napahimbing. Ang mas nakagugulat pa, maging ang mga hayop at halaman ay sumabay sa pagkanta. Ugong, tilaok, tahol, at kung ano pang huni ang ginawa ng mga hayop. Ang lawiswis ng mga kawayan at agos ng mga batis ay dalawa lamang sa nagsilbing instrumento upang mas maging kaaya-aya ang kanta.

Huminto ka. Ibaling mo ang iyong tingin sa iyong paligid. Anu-ano ang nakikita mo? Ngayon, ipikit mo ang iyong mga mata at amuyin ang simoy ng hangin. Hayaan mo itong dumampi sa iyong mga labi. Anong masasabi mo? Yumuko ka at pumulot ng kaunting lupa. Damhin mo ang tekstura nito. May napupuna ka ba? Habang nakapikit pa rin, pakinggan mo nang maigi ang iyong naririnig. Sabayan mo ako, kaibigan, sa pagkilatis sa mga himig na nakikituloy sa ating mga tainga:

Kapag Pumuti na ang Balat Ko
paputiin mo ako paputiin mo ako
Natural sa atin ang pagiging kayumanggi: hindi maitim, hindi maputi. Kung ihahambing sa pagkakatimpla ng inumin, pinaghalong kape at gatas. Napag-aralan natin kay Ginoong Agham simula noong tayo’y mura pa lamang na ang “mixture” ng kape at gatas ay “homogenous” na nangangahulugang hindi maipaghihiwalay ang mga elemento sa kani-kanilang orihinal na estado sa pisikal na pamamaraan lamang. Ibig sabihin, kailangan ng kemikal na proseso upang paghiwalayin ang kape at gatas.
Maiuugnay ang kemikal na prosesong ito sa pinagdadaanan ng ilan sa ating mga Pilipino na may kaugnayan sa balat. Napakaraming may gustong maging maputi. Kung anu-anong paraan ang kanilang sinusubukan sa pagnanasang maisasakamay ang kaputian: sabon, Glutathione, pag-iwas sa sikat ng araw, maging pagtanggap sa inaalok na serbisyo nina Vicky Belo, Ellen Lising, mag-asawang Calayan atbp. na nangangakong tutupad sa kanilang kahilingan kapalit ng halagang may kamahalan. Sa sobrang laki, kaya nitong buhayin ang isang mag-anak, kung saan ang haligi ng tahanan ay sumasahod ng P150.00 kada araw, sa loob ng tatlo at kalahating taon. Akalain mo!
Hindi ko lubos maisip kung bakit panlabas na anyo ang kanilang binibigyan ng prayoridad gayong hindi naman ito nakaaapekto sa kalusugan. Aanhin mo ang kaputian kung sakitin ka naman? Hindi lingid sa ating kaalaman ang talamak na bentahan ng mga sabong pampaputi na may dagdag na serbisyo. Iyon ay ang pakatihin ang iyong balat at bigyan ka ng “rosy effect.” Talaga namang “rosy” dahil pinapabilis nila ang natural na proseso ng pagbabalat. Ang resulta: “pinkish-white skin” sa mata ng nakakakita. Hindi nila alam, ang hapdi-hapdi na pala, ang kati-kati pa.

Mr. Flawless
Geena
Hindi lang mga babae ang may kagustuhang pagandahin ang kanilang sarili. O, nakikita mo ba ‘yung modelo sa itaas? Dati iyang lalaki. Swak na swak pa nga sa kababaihan(maging sa kalalakihan) dati yan kasi daw “tall dark, and handsome.” Kalalaking tao pero nagpapalit ng kasarian. Napapabilang siya sa mga binabansagang “transgender.” Isang konkretong halimbawa si Geena Rocero. Ipinanganak siyang lalaki subalit namuhay sa Amerika bilang isang babae matapos dumaan sa isang operasyon at masusing pag-aasikaso ng papeles na kinatigan naman ng korte sa Amerika. Sa kasalukuyan, isa siyang tanyag na “supermodel” sa Hollywood. Marami ang napanganga sa kanyang pagbubunyag ng sikretong ito. Halu-halo ang reaksyon: may nabigla at namangha, ang iba nama’y nakaramdam ng pandaraya. Isa lamang siya sa libu-libong Pilipinong —nakikiuso (Angkop ba ang salitang ginamit ko?). Hindi lang iyan, umiinom din sila ng mga gamot na inimbento para sa mga babaeng may problema sa “hormones.” Bukas din ang mga tanggapan ng mga doktor para sa kanila. Ayon nga sa biro, nagpapakonsulta sila kay “Becky Belo.”

Basura Ko, Itatapon Ko Sa ‘Yo
garbageintheocean
Alam nating bilog ang hugis ng mundo. Baka ngayo’y nakabaligtad na ang posisyon nito. Tuloy, bumaligtad na rin ang ngiting iginuhit sa pisngi ni Inang Kalikasan. Hindi ko na iisa-isahin pa ang sitwasyon ng ating kapaligiran. Sapat na ang iyong mga mata para makapagbigay ng sarili mong husga. Masdan mo ang ilog na napapaligiran ng basura, sa mata ba’y kahalina-halina? Langhap mo rin ba ang usok na binubuga ng mga sasakyan at pabrika. Nawalan ng silbi at nasayang ang intensyon ng mga may-akda ng batas na nangangalaga sa kalikasan. Nasaan na ang pondo? Hayun, ipinamili ng walis-tingting na nagkakahalagang 5 milyong piso. Hindi natin kailangang maging dalubhasa para makapagbigay ng opinyon tungkol dito. Ang kalinisan ay kayamanan. Kaya siguro tayo salat sa kaginhawaan. Isa na siguro ang kalinisan sa di-mabilang na mga sanhi ng hindi pantay na pagkakahati ng kayamanan sa Pilipinas. Solo nga bang kasalanang ito ng mga Pilipinong mahilig magkalat at manira? O may kontribusyon din ang mga may kapangyarihan sa kakulangan ng pagpuna at pagtugon sa lumalalang isyung ito? Hanggang hindi marunong magpahalaga sa kapaligiran ang bawat Pilipino, mananatiling patapon ang ating nasyon. Taos-puso ang aking kagalakan sa tuwing maraming organisyon—pampubliko man o pribado, prospesyunal man o estudyante ang nangangasiwa ng mga programang may layuning ipagtanggol at isailalaim na maingat na pangangalaga ang kalikasan. Subalit ang kagalakang ito ay unti-unting natatambakan ng pagdududa sa tuwing maiisip ko nang biglaan ang mga katanungang: “Bukal nga ba sa loob nila ang pangunguna sa proyektong ito o may mas malalim pa silang motibo?”, “Pakikitao ba ito o pagpapakitang-tao?”, o baka naman kailangan nila ng puntos para sa kanilang organisasyon para mabigyan ng parangal. Kung ako ang magbibigay, titiyakin kong ang matatanggap nila’y hindi parangal kundi PANGARAL.

Run the Philippines
179539_3507585603263_1246239464_n
Kaninong kamay ang nagpapatakbo sa Pilipinas? Kaya siguro mabagal ang pag-asenso dahil kamay ang nagpapatakbo. Siguro panahon na para bisikleta ang magmaneho. Pero dapat nating siguraduhing mapagkakatiwalaan at karapat-dapat ng ating pananalig ang drayber. Alalahanin nating hindi pagmamay-ari ng mga taong iniluklok natin sa kani-kanilang pwesto ang bansang Pilipinas. Progreso ng ekonomiya ang dapat isulong. Kailangan nating makipag-unahan. Makipagkarera. May sariling kakayahan ang Pilipinas. May sarili itong katawan at hindi kailangan ng ibang bansa ang isang buntot sa pag-asenso. Sana naman mali ako sa inaakala ko— na ang mga Pilipinong pulitiko ay mga mumurahing laruang ginagamitan ng piso upang umandar, o kaya nama’y mga mamahaling makinang hindi tumatanggap ng barya kundi papel upang mapakinabangan nang husto.

Nirerespeto ko ang kung ano man ang pinagkakainteresan ng mga taong binanggit ko sa naunang parte ng sulating ito na siyang nakapagbibigay sa kanila ng ligaya. Ang sa akin lang, walang mas maligaya sa taong maligaya sa ipinagkaloob sa kanya. Ang iba nga lang, pinagkalooban ng pera. Kaya hayun, nilustay sa kanluraning balabalakin. Sa kabuuan, subukan nating mahalin ang sarili natin. Huwag tayong mag-asam ng mga bagay na labag sa alintuntunin ng pamahalaan at ng Diyos. Maglaan tayo ng panahon upang matutong magpasalamat sa anumang biyayang isinabog sa atin ng Panginoon. Kung tatanungin kita, ang mga kagawian bang inilahad sa itaas ay sumasalamin sa ating pagka-Pilipino?

Sa aking palagay, ang mga kaasalang ito ay hindi bunga ng maimahinasyong pag-iisip ng mga Pilipino. Kundi, mga impluwensiya ng mga banyaga. Isaisip, isadiwa, isapuso, isagawa—mga klasikal na paalalang kailangang ulit-iltin para tumatak. Hanggang kailan magtitiis si Inang Pilipinas na ilang dekada nang nagwawangis. Hindi ba natin siya patatahanin? May katagalan na ang pag-aasikaso niya sa atin. Matagal-tagal na rin tayong nakapatong sa kanya. Panahon na sigurong siya naman ang ating kargahin habang inaawitan ng mga kanta ng pagsisisisi, paghingi ng dispensa, paglilingkod at pagmamahal. Anak ng Bayan, ituloy mo lang ang pagkanta. Di malayong maisasaayos mo ang mundo at manunumbalik ang mga kaasalang tunay na iyo—mga kaasalang nagpapahihiwatig ng iyong pagka-Pilipino:maka-Diyos, makakalikasan, makatao, at makabansa.

Hindi pa katapusan ng mundo. Nasa iyo ang desisyon kung kailan ka magsisimulang makipagtulungan. Makikipagtulungan ka ba na maituwid ang mga nakalikong daanan? O makikidaan ka lang nang walang pakialam sa sitwasyon ng sambayanan? Unahin mo ang pagbabago ng iyong sarili. Ipunla mo sa isipan mong isa kang Pilipino. Iwasiwas ang kanluraning pag-iisip at kaasalan. Sigurado akong makakabuo ka ng mga linya at himig na sasalamin sa kung sino ka talaga.

Advertisements

Share Your Thoughts 😇

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s